May mga ibang tao na talagang hindi mahilig sa gulo. Hindi sila magaling makipag-away. Sila yung mga lampa kung tawagin. Kung minsan duwag ang mas magandang tawag sa kanila. Kaya nga ang iba ay kumukuha pa at umaattend ng class ng self defense or mga iba’t ibang martial arts para lamang matutong ipagtanggol ang sarili niya. Noong elementary ako, na guidance ako ng isang beses dahil sa pakikipag basag ulo sa kaklase ko. Nagbibiruan lang naman kame ng bigling napikon itong lalaking ito. Sinapak niya ako sa kaliwang mata. Masakit at biglang nagdilim ang paningin ko. The next thing I know dumudugo na ang ilong ng kaklase ko. Kwento ng mga nakakita ay tumalon ako at sinipa ng malakas sa mukha ang kaklase ko. Lumabas na ako ang nagsimula ng gulo. Tsk!
1st Year High school. Christmas Party. Nakatambay ako sa labas ng classroom namin ng biglang may lumapit sa akin na grupo mga lalake sa kabilang klase lamang. Maangas raw ako at trip akong gawing punching bag nung isa sa kanila. FYI, mukhang basag ulo ang itsura nitong lalaking ito. Hinarap ko, habang ang best friend ko na si Mariel ay gumigitna. Huwag ko na raw patulan. Okay na sana pero naglabas ito ng malaking kahoy na mukhang ihahampas sa akin. Ulit nagdilim ang paningin ko at papalo na sa akin yung kahoy ng biglang umangat ang paa ko sa sipain yung kahoy. Nabiyak yung kahoy, nagulat sila. Pati ako siyempre nagulat. Di ko maisip pano ko nagawa yun. Umatras yung grupo ng mga gago. Mamaya raw ako sa labas.
Nag uwian na, nandun sila, naghihintay sa akin. Lumapit muli yung nognog sa akin at this time ibang ugali ang nakita ko. Sorry raw at di niya sinasadya. Di ko alam anong nangyare sayang gusto ko pa naman mangbiyak ng mukha noong araw na iyon. May sumunod na araw pa na kasama ko ulit ang best friend kong si Mariel mga 5am ng umaga, naglalakad sa EDSA mula Munoz papuntang QCA. sa gitna ng aming paglalakad may grupo ng mga yosi boys ang humarang sa amin, kinikikilan kame ng pambili ng yosi. Hinahatak na ako ni betprend pero hinawakan ako sa braso nung isa. Muli nagdilim ang paningin ko at nasiko ko ang mukha nito. “Ay Gagu toh pare” sabi nung isa sa kanila samantalang yung isa naman ay “Pabayaan nyo na yan wala yan”. So pinalampas nga nila kame, ngunit maya maya may lumipad mula sa likuran namin ang isang malaking bato. P&$^#@! Binabato kame, pumulot ako ng isang bato rin at binato pabalik sa kanila sabay sigaw ng “PUK^$^# &$ I%@ NIYO!”… This time kinausap ako ng betprend ko na sana naman ay huwag ko ng patulan ang mga ganun at baka mag mitsa pa ng kamatayan ko. Mas naniniwala ako noon na kapag oras mo na oras mo na so hindi ko inintindi si betprend.
Bakasyon, uso ang liga! So nag decide kame ng tropa na magtayo ng team. Okay naman ang mga unang laro, ngunit noong pangatlong game namin may nangyare. Mas matangkad ako sa binabantayan ko, nasa aktong tatapalin ko sana yung bola ngunit bigla bigla niyang iniwas ang bola at sa mukha ko siya tinamaan. In short na tapal ko ng malakas yung mukha niya. Nag-sorry naman ako, kaso mukhang nasaktan siya. Ilang segundo pa ng biglang nakaramdam ako ng tulak mula sa likuran ko, Aba’t sira ulo pala talaga itong binabantayan ko, ginantihan ko ng isa ring tulak, pero this time tumilapon siya. Sayang nga lang at inawat kame ni Coach! Nasa akto rin na babatuhin ako ng bato. Kaso yung coach namin ang nakikipag away na! Sumisigaw ng, “Hindi namin aawatin toh pag binato mo yan. Papatulan ka nitong bata ko sinasabi ko sayo!” War Freak rin itong si Don-Don na kapitbahay at coach namin.
Sa loob ng bahay, lahat nalalaman ng magulang ko, kung hindi man ako ang mag kwento, itong betprend kong si Mariel ang taga-sumbong. One time inaya ako ng tatay ko na pumunta sa SM, bili raw kame ng sapatos niya. Sama naman ako! Habang naglalakad napansin ko na siya pumipwesto malapit sa kalsada, at ako ang pinupwesto niya sa may sidewalk. Kung nasa kanan niya ang kalsada, nasa kaliwa ako. Kung nasa kaliwa niya ang kalsada, nasa kanan niya ako. So hinyaan ko ito, maya maya pa biglang nagsalita ang Tatay ko. “Kung may kasama kang babae o kung sino man na mahal mo, kailangan lagi mong proprotektahan, iingatan mo.” sabi niya. “Kung kasama mo ang mama mo at mga kapatid mo dapat laging ganito! Dahil ikaw ang panganay.”. Tahimik lang ako ng mga oras na yun, pinapakinggan ang boses ng tatay ko. Maya maya pa muli siyang nagsalita. “Alam mo ‘nak, tama ka, kung oras mo na, oras mo na. Pero ito ang tatandaan mo, hangga’t makakaiwas ka, umiwas ka sa gulo.” Napatingin ako sa tatay ko. Sabay sabi rin niya ay ito, “Ang pagiging tunay na lalake ay hindi napapatunayan ng iyong kamao, ang importante ay yung laman ng Utak at niyang nasa dibdib mo…”
Sa hindi ko maintindihan na pangyayare, tumatak ito sa utak ko… Parang natauhan ako. Tama ang tatay ko. Simula noon, ilang beses na muntik akong mapahamak pero pinilit kong umiwas. Mas pinipili ko na ngayon na tumahimik na lamang ako kaysa sa may masabi akong mali! Kung saktan man ako, susubukan kong umiwas pero kung di makakaiwas ay pipilitin kong kontrolin ang galit ko. Malaki yung impact sa akin ng sinabi ng tatay ko. Dahil duon sa tingin ko nagbago ako. Kung meron mang nanggugulo sa akin, eh pababayaan ko na lang… Magsasawa rin ‘yan!
Dahil para sa akin, mas lampa at duwag pa ang mga taong kinakaya ang mga taong walang laban sa kanila.